Tagalog Bibles (BIBINT)
タガログ語新約聖書


Mga Taga-Roma 7

Isang Paglalarawan Mula sa Pag-aasawa
    1Mga kapatid, hindi ba ninyo alam na ang kautusan ay naghahari sa tao habang siya ay nabubuhay? Ako ay nagsasalita sa mga taong nakakaalam ng kautusan. 2Ang babaeng may asawa ay nakatali sa kaniyang asawa sa pamamagitan ng kautusan habang nabubuhay ang lalaki. Kapag ang lalaki ay namatay, ang asawang babae ay malaya na sa kautusan na patungkol sa asawang lalaki. 3Kaya nga, ang babae ay tatawaging mangangalunya kung magpapakasal siya sa ibang lalaki. Ito ay kung buhay pa ang kaniyang asawang lalaki. Ngunit kapag ang kaniyang asawa ay namatay na, siya ay malaya na sa kautusan. Hindi siya tatawaging mangangalunya kahit na magpakasal siya sa ibang lalaki.
    4Kaya nga, mga kapatid, kayo rin ay ginawa nang mga patay sa kautusan upang kayo ay mapakasal sa iba. Ito ay sa pamamagitan ng katawan ni Cristo, na ibinangon mula sa mga patay upang tayo ay magbunga para sa Diyos. 5Ito ay sapagkat nang tayo ay likas pang makalaman, ang makasalanang hangarin na galing sa kautusan ay gumagawa sa mga bahagi ng ating katawan. Gumagawa ito upang tayo ay magbunga patungo sa kamatayan. 6Ngunit ngayon, tayo ay patay na sa dating gumagapos sa atin. Tayo nga ay pinalaya sa kautusan upang tayo ay maglingkod sa pagbabago sa espiritu at hindi sa lumang titik ng kautusan.

Pakikipagtunggali sa Kasalanan
    7Ano ngayon ang sasabihin natin? Kasalanan ba ang kautusan? Huwag nawang mangyari. Hindi ko nalaman ang kasalanan kundi dahil sa kautusan. Hindi ko rin nakilala ang masamang pagnanasa kundi sinabi ng kautusan: Huwag kang mag-iimbot. 8Ngunit ang kasalanan ay nagbunga sa akin ng maraming uri ng pag-iimbot nang kunin ng kasalanan ang pagkakataong inalok ng mga utos. Ito ay sapagkat ang kasalanan ay patay kung wala ang kautusan. 9Ngunit minsan ako ay buhay nang walang kautusan ngunit nang dumating ang utos, nabuhay muli ang kasalanan at ako ay namatay. 10Ang utos na dapat magbigay buhay ay nasumpungan kong nagdala ng kamatayan. 11Ito ay sapagkat sa pagsasamantala sa utos, dinaya ako ng kasalanan at pinatay ako sa pamamagitan ng mga utos. 12Kaya nga, ang kautusan at ang utos ay banal, matuwid at mabuti.
    13Ang mabuti ba ay naging kamatayan sa akin? Huwag nawang mangyari. Ngunit upang malaman kong ang kasalanan ay kasalanan, nagbunga ito ng kamatayan sa akin sa pamamagitan ng mabuti. Ito ay upang sa pamamagitan ng utos ang kasalanan.
    14Alam nating ang kautusan ay espirituwal. Ako ay likas na makalaman dahil sa naipagbili ako bilang alipin sa ilalim ng kasalanan. 15Ito ay sapagkat ang ginagawa ko ay hindi ko nauunawaan sapagkat ang hindi ko nais gawin ay siya kong ginagawa. Ang kinapopootan ko ang siya kong ginagawa. 16Ngunit kung ang hindi ko nais ang siyang ginagawa ko, sumasangayon ako na ang kautusan ay mabuti. 17Sa ngayon hindi ako ang gumagawa noon kundi ang kasalanan na nananahan sa akin. 18Ito ay sapagkat alam kong walang nananahang mabuti sa aking makalamang kalikasan sapagkat ang magnais ng mabuti ay nasa akin ngunit hindi ko masumpungan kung papaano ko ito gagawin. 19Ito ay sapagkat ang mabuti na ninanais kong gawin ay hindi ko nagagawa. Ang kasamaan na hindi ko hinahangad gawin ay siya kong nagagawa. 20Ngunit kung patuloy kong ginagawa ang hindi ko nais, hindi ako ang gumagawa noon kundi ang kasalanan na nabubuhay sa akin.
    21Nasumpungan ko nga ang isang kautusan sa akin, na kapag nais kong patuloy na gumawa ng mabuti, ang kasamaan ay nasa akin. 22Ito ay sapagkat sa aking kalooban, ako ay lubos na nalulugod sa kautusan ng Diyos. 23Ngunit nakakakita ako ng ibang kautusan sa mga bahagi ng katawan ko na nakikipaglaban sa kautusan ng aking isipan. Ginagawa nito akong bilanggo ng kautusan ng kasalanan na nasa mga bahagi ng katawan ko. 24O, ako ay taong abang-aba. Sino ang magliligtas sa akin sa katawang ito na gumagawa patungong kamatayan? 25Nagpapasalamat ako sa Diyos sa pamamagitan ni Jesucristo na ating Panginoon.
   Kaya nga, ako sa aking sarili ay naglilingkod sa kautusan ng Diyos sa aking isipan, ngunit sa aking makalamang kalikasan naglilingkod ako sa kautusan ng kasalanan.


Tagalog Bible Menu